Ang Makulit na Pagtatagpo ni Daisy Anne Martinez at ng Taong Grasang may Pitong Lamborghini (Rough Draft)

By Alvin Aragon - August 08, 2021




Naganap ang lahat ng dahil sa pagbahing ng isang di kilalang lalake mga dalawampu’t dalawang taon na ang nakakaraan…  

Nagsimula ito mula sa isang… Achooooooooooooooooo


Walang nakakaalam na ang kahindik-hindik na pangyayaring ito ay ang syang magpapalipad sa isang kaawa–awang 1 cm radius na alikabok patungo sa kalangitan sa loob ng mahabang panahon.


Lumipad ito at naglakbay sa mga bundok…

dagat…

mga bukirin…

sa matataas na gusali….

at makalipas nga ng dalawampu’t dalawang taon ay dumapo ito sa ilong ng isang taong nagngangalang DAISY ANNE MARTINEZ…

Isang kamangha–manghang pangyayari!!





Si Daisy Anne Martinez




Si Daisy Anne Martinez ay isang ordinaryong empleyado sa isang ahensya ng gobyerno. Siya ngayon ay nasa tapat ng gusali ng BNP upang tuparin ang isang mahalagang misyon na sana ay dapat noon pa nya naisakatuparan.


Tulad ng karamihan, mahilig si Daisy manood ng mga pelikula. Gustong gusto nyang panoorin ang mga pelikula ni Jackie Chan, Jet Lee, at iba pang mga katulad na artista. Kung di nyo kasi natatanong ay isang fan ng martial arts si Daisy. Madalas nga syang makita sa dojo na nagsasanay ng aikido at kung-fu. Bukod dito ay mahilig din syang mag-gym na kung saan ay matatagpuan syang gumagawa ng 100 pushups sa isang araw, nagbubuhat ng 100 lbs na barbel at nagda-duck walk habang may hawak na 50 lbs na barbel sa magkabilang kamay. Hilig nya ring magsuot ng stripes na polo shirt, magpagupit ng semi-kalbo tuwing NBA finals at magbasketball tuwing sabado kasama ang mga barkada nyang lalaki.


Ang sino mang makakarininig ng mga ito ay marahil huhusgahan na si Daisy bilang isang tomboy. Yan ay isang malaking pagkakamali! Sapagkat si Daisy Anne Martinez ay isang lalaki. Oo! Isang certified at biological na lalaki. Di nga nya lang alam kung bakit sa lahat ng mga posibleng ipangalan sa kanya ng kanyang mga magulang, ay pangalan pa ng isang babae ang napili para sa kanya. 


Di mo naman din masisisi ang mga magulang ni Daisy kung makikila mo lang sila ng mabuti. Ang mga magulang ni Daisy ay yung mga tinatawag na 'disruptor of change'. O mga taong gumagawa ng di pangkaraniwang bagay sa isang field na syang nagpapabago sa mga nakagawian nang paniniwala at pamamaraan nito. Ang tatay ni Daisy ay isang dalubhasang siyentipiko na nagdebunk sa Theory of Relativity ni Einstein. Habang ang ina naman nya ay isang artist na kinikilala bilang founder ng makabagong art na kung tawagin ay Non-Abstract Abstract Arts. Kaya nga hanggang sa pang-araw-araw na buhay nila ay dinadala nila ang kanilang pagiging distruptor. Pabaliktad sila magbasa ng mga aklat, pabaliktad silang magsalita, at minsan pa nga ay nailagay sila sa Guinness Book of Record sa kanilang paglalakad ng pabaliktad sa loob ng isang buwan. At ang pinaka-huli nga nilang ginawa ay pag-papangalan sa kanilang kaisa-isang anak na lalaki ng Daisy. Oo! Ito na ang huli. Dahil pagkatapos ng kapanganakan ni Daisy ay bigla na lamang silang naglaho na parang bula. Kung may kinalaman ito sa kahindik-hindik na pagbahing ng isang di kilalang lalake mga dalawampung dalawang taon na ang nakakaraan ay wala pang nakaka-alam. Basta’t ang alam natin ay nasa harap ngayon si Daisy ng gusali ng Bureau of Name Protection para tuparin ang isang bagay na matagal na nyang pangarap na mangyari.


Pagsabog! Hahaha!


Sa malayo palang ay makikita mo agad ang malaking usok na nagmamayabang sa gitna ng kalawakan ng syudad. Ang ingay ng mga sirena ng mga bumbero ang magsasabi sa iyo na may hindi magandang nangyari.

Sa isang sulok ng paligid ng nagbabagang gusali na syang sentro ngayon ng atensyon ng mga bumbero, mga biktima, mga usyusero, at mga mystery-enthusiast ay makikita si Daisy na tulalang nakatingin sa malaking usok habang unti-unting humihina ang kanyang pagkaka-kapit sa form–7A ng BNP na syang kailangan na form para sa pagpapapalit ng pangalan.

At ayun nga! Halos lahat ng bahagi ng BNP ay natupok ng apoy. Ayon sa mga eksperto, aabot pa ng limang taon ang rehabilitasyon ng ahensya bago tuluyan itong magsapubliko muli. Pwera na lang kung may isang trillionaire na handang magpondo sa rehabilitasyon. Ang reyalisasyong ito ang lalong nagpahina sa kapit ni Daisy sa kanyang form–7A hanggang sa tuluyan itong liparin sa kalangitan at maging bahagi ng kaguluhan sa paligid. 

Nakatulalang napaupo si Daisy sa isang kalapit na bench. Sakto naman na nagpapatugtog ang katabi nyang nakakaisyuso ng kantang “Impossible Dream”. Ito ang tuluyang nag-set ng ambiance sa paligid. Kasabay pa ng pagihip ng malungkot na hangin at paglipad ng mga upos ng nasusunog na gusali, ay sumariwa kay Daisy ang pitong taon nyang pagpupunyagi para lang mapapalitan ang kanyang pangalan. Kasabay nito’y tinanong nya sa kanyang sarili: “Bakit nga ba gigil na gigil ako na palitan ang aking pangalan?”



to be continued

  • Share:

You Might Also Like

0 comments